₱𝟮𝟭𝟲.𝟳 𝗠𝗜𝗟𝗟𝗜𝗢𝗡 𝗖𝗢𝗔 𝗙𝗜𝗡𝗗𝗜𝗡𝗚𝗦 𝗖𝗬 𝟮𝟬𝟮𝟰 𝗦𝗔 𝗧𝗔𝗖𝗟𝗢𝗕𝗔𝗡 𝗦𝗨𝗠𝗔𝗚𝗢𝗧 𝗔𝗡𝗚 𝗖𝗜𝗧𝗬 𝗚𝗢𝗩𝗘𝗥𝗡𝗠𝗘𝗡𝗧, 𝗣𝗘𝗥𝗢 𝗞𝗨𝗟𝗔𝗡𝗚 𝗣𝗔 𝗔𝗡𝗚 𝗗𝗘𝗧𝗔𝗟𝗬𝗘!
Ayon sa Commission on Audit (COA) CY 2024 findings, may ₱145.69 milyon na inilaan para sa 33 sa 37 infrastructure projects na hindi naipatupad noong 2024, at ₱70.99 milyon na disaster funds mula 2023 at mga naunang taon na naitalang hindi nagamit noong 2024.
Noong Oktubre 27, 2026, nagbigay ng ulat ang City Engineer's Office tungkol sa 37 proyekto. Ayon dito, 32 ang iniulat na natapos, isa ang 100% accomplished ngunit may kailangang ayusin, dalawa ang ginagawa pa, at dalawa ang nakansela.
Kinikilala ng PH Haiyan ang tugon. Gayunman, walang kalakip na mga hiniling na sertipikadong dokumento at hindi nakasaad ang mga petsa ng pagsisimula, aktuwal na pagkumpleto, at pagtanggap sa mga proyektong iniulat na natapos.
Kaya noong Oktubre 30, 2026, muling sumulat ang PH Haiyan sa City Government upang humingi ng kumpletong rekord at sagot sa mga sumusunod:
1. Kailan nagsimula at natapos ang mga proyekto? Nasaan ang mga dokumentong nagpapatunay na nasuri at tinanggap ang mga ito?
2. Magkano ang aktuwal na ginastos at natira sa bawat proyekto? Ano ang saklaw at halaga ng mga proyektong tinukoy sa dalawang ulat?
3. Ano na ang kalagayan ng ₱70.99 milyong disaster funds? Nagamit na ba ang mga ito, at para saan?
4. Ano ang naging aksyon sa mga naantala, kailangang ayusin, at nakanselang proyekto?
5. Naipasa ba ang mga kinakailangang ulat sa City Council? Ano na ang estado ng drainage at flood-control plan at koordinasyon sa DPWH?
Nananawagan ang PH Haiyan sa Tacloban City Government na ibigay ang kumpletong sertipikadong rekord at malinaw na paliwanag, upang matiyak ang tunay na estado ng mga proyekto at kung paano ginamit ang pondo.
Karapatan ng mga Taclobanon na malaman kung saan napunta ang kaban ng bayan at kung napakinabangan nila ang mga proyektong inilaan para sa kanila.
TRANSPARENCY AND ACCOUNTABILITY ARE A MUST.
DISCLAIMER: Ang ₱216.7 milyon ay batay sa COA CY 2024 findings sa mga proyektong hindi naipatupad at disaster funds na hindi nagamit noong panahong saklaw ng ulat. Hindi ito nangangahulugang nawawala o napatunayang nagamit sa maling paraan ang pondo. Ang mga iniulat na natapos na proyekto ay batay sa tugon ng City Engineer's Office at hinihingan pa ng dokumentaryong beripikasyon. Layunin ng PH Haiyan ang paglilinaw at transparency sa interes ng publiko.